15Ipapadala ko ang mga sundalo ng mga kaharian mula sa hilaga para salakayin ang Jerusalem. Ilalagay ng kanilang mga hari ang kanilang mga trono sa mga pintuan ng Jerusalem. Gigibain nila ang mga pader sa palibot nito at ang iba pang mga bayan ng Juda.
16Parurusahan ko ang aking mga mamamayan dahil sa kanilang kasamaan. Itinakwil nila ako sa pamamagitan ng paghahandog nila ng insenso sa mga diyos-diyosan. At sinamba nila ang mga diyos-diyosan na sila lang din ang gumawa.
17“Jeremias, ihanda mo ang sarili mo. Humayo ka at sabihin sa kanila ang lahat ng ipinasasabi ko sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila. Sapagkat kung ikaw ay matatakot, lalo kitang tatakutin sa harap nila.
18Makinig ka! Patatatagin kita ngayon tulad ng napapaderang lungsod, o ng bakal na haligi o ng tansong pader. Walang makakatalo sa iyo na hari, mga pinuno, mga pari, o mga mamamayan ng Juda.
19Kakalabanin ka nila, ngunit hindi ka nila matatalo, dahil sasamahan at tutulungan kita,” sabi ng Panginoon.