10Ito ang sagot ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan: “Talagang gusto nilang lumayo sa akin; ang sarili lang nilang kagustuhan ang kanilang sinusunod. Kaya ayaw ko na silang tanggapin bilang aking mga mamamayan. Hindi ko makakalimutan ang inyong kasamaan at parurusahan ko kayo.”
11Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Huwag kang mananalangin para sa kabutihan ng mga taong ito.
12Kahit mag-ayuno pa sila, hindi ko diringgin ang paghingi nila ng tulong sa akin. Kahit na maghandog pa sila ng mga handog na sinusunog at handog na pagpaparangal sa akin, hindi ko iyon tatanggapin. Sa halip, papatayin ko sila sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at salot.”
13Ngunit sinabi ko, “O Makapangyarihang Panginoon, alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.”
14Sumagot ang Panginoon, “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila.