1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Jeremias tungkol sa mahabang tagtuyot:
2“Nagluluksa ang Juda; ang kanyang mga lungsod ay nanlulupaypay. Ang mga taoʼy nakaupo sa lupa at naghihinagpis, at maririnig ang iyak galing sa Jerusalem.
3Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin na umigib ng tubig. Pumunta sila sa mga balon ngunit hindi sila nakahanap ng tubig doon. Kaya bumalik silang walang laman ang mga lalagyan, at nagtakip ng mga ulo dahil sa matinding kahihiyan.
4Nabitak ang lupa dahil walang ulan. At dahil sa hinagpis, tinakpan ng mga magbubukid ang kanilang mga ulo.