1Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila!
2Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ng Panginoon: ‘Ang mga nakatakdang mamatay ay mamamatay. Ang ibaʼy itinakdang mamatay sa digmaan at ang ibaʼy sa taggutom. Ang iba namaʼy itinakdang bihagin.’
3“Ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng parusa,” sabi ng Panginoon. “Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop.