15Sinabi ko, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat! Alalahanin at tulungan po ninyo ako. Ipaghiganti ninyo ako sa mga umuusig sa akin. Alam kong hindi kayo madaling magalit, kaya huwag po ninyo akong hayaang mamatay. Alalahanin po ninyo ang mga paghihirap ko dahil sa inyo.
16Noong nagsalita kayo sa akin, pinakinggan ko po kayo. Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko; at akoʼy sa inyo, O Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
17Hindi po ako sumáma sa mga kasayahan at kagalakan nila. Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin at sinabi nʼyo sa akin ang tungkol sa inyong galit.
18Bakit hindi po natatapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumagaling ang aking mga sugat? Hindi na po ba magagamot ang mga ito? Bibiguin po ba ninyo ako na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”
19Kaya sinabi ng Panginoon, “Kung ikaʼy magsisisi, pababalikin kita sa aking piling upang patuloy kang makapaglingkod sa akin. Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan, muli kitang gagawing aking tagapagsalita. Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo at hindi ikaw ang lalapit sa kanila.