3Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway ninyo ang inyong mga kayamanan at ari-arian, pati ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa.
4Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko. Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
5Sinabi pa ng Panginoon: “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao.
6Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang naninirahan.
7“Ngunit mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa sa Panginoon.