7Panginoon, nilinlang ninyo ako at nanaig kayo sa akin. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya.
8Kapag nagsasalita ako, isinisigaw ko po ang mensahe ninyo, Panginoon, na tungkol sa karahasan at pagkawasak! At dahil sa ipinasasabi ninyong ito, pinagtatawanan po nila ako at kinukutya.
9Kung minsan, naiisip kong huwag na lang magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinasasabi ninyo. Ngunit hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita ninyo ay parang apoy na nagniningas sa aking puso at mga buto. Pagod na ako sa kapipigil dito.
10Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng aking pagbagsak. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”
11Ngunit kasama ko po kayo, Panginoon. Kayo ay tulad ng matapang at makapangyarihang mandirigma, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kanilang kahihiyan.