9Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang aking mga buto at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila.
10Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga diyos-diyosan, dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta at nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan. At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain, kaya natuyo at nalanta ang mga tanim.
11“Ang mga pari ay katulad din ng mga propeta. Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan maging sa aking templo,” sabi ng Panginoon.
12“Kaya magiging madilim at madulas ang kanilang daan. Matitisod at madadapa sila dahil padadalhan ko sa kanila ng kapahamakan sa panahon na silaʼy aking parurusahan,” sabi ng Panginoon.
13“Nakita kong napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang aking mga mamamayang Israelita.