2Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel sa mga pastol na namumuno sa kanyang mamamayan: “Dahil sa ikinalat ninyo ang mga mamamayan ko na aking kawan at hindi ninyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo,” sabi ng Panginoon.
3“Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan, ang aking kawan, mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila ikinalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon.
4Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila,” sabi ng Panginoon.
5Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang matuwid na hari mula sa angkan ni David, isang haring mamumuno nang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito.
6Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.