28“Muli kang kumuha ng nakarolyong sulatan at muli mong isulat ang lahat ng nakasulat sa unang kasulatan na sinunog ni Haring Jehoiakim ng Juda.
29Pagkatapos, sabihin mo kay Jehoiakim na hari ng Juda na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sinunog mo ang nakarolyong kasulatan dahil sinasabi roon na wawasakin ng hari ng Babilonia ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at mga hayop.
30Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa iyo, Haring Jehoiakim ng Juda: Wala kang angkan na maghahari sa kaharian ni David. Ikaw ay papatayin, at ang bangkay moʼy itatapon lang at mabibilad sa init ng araw at hahamugan naman pagsapit ng gabi.
31Parurusahan kita at ang mga anak mo, pati ang mga pinuno mo dahil sa kasamaan ninyo. Ipaparanas ko sa inyo, at sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi ko laban sa inyo dahil sa hindi kayo nakinig sa akin.’ ”
32Kaya muling kumuha si Jeremias ng nakarolyong sulatan at ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias, at isinulat ni Baruc ang lahat ng sinabi ni Jeremias, katulad ng ginawa niya sa unang nakarolyong kasulatan na sinunog ni Haring Jehoiakim ng Juda. Ngunit may mga idinagdag si Jeremias sa kasulatang ito na halos katulad ng unang isinulat.