6Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo.
7Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy magmakaawa sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”
8Ginawa ni Baruc na anak ni Nerias ang iniutos sa kanya ni Propeta Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinasasabi ng Panginoon.
9Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Haring Josias ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda.
10Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa Templo ng Panginoon malapit sa silid ni Gemarias na kalihim na anak ni Safan. Ang silid ni Gemarias ay nasa itaas ng bulwagan ng Templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan.