6Malakas kayo at mabilis tumakbo pero hindi pa rin kayo makakatakas. Mabubuwal kayo at mamamatay malapit sa Ilog ng Eufrates.
7“Ano itong bansang naging makapangyarihan, na katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang?
8Ito ay ang bansang Ehipto, na naging makapangyarihan katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang. Sinabi ng Ehipto, ‘Naging makapangyarihan ako gaya ng baha na umapaw sa buong mundo. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga mamamayan nito.’
9Lumusob kayo, mga kabayo! Tumakbo kayo, mga karwahe! Sumalakay na kayo, mga sundalong bayani, kayong mga kakampi mula sa Etiopia at Put na bihasa sa kalasag at kayong mga kakampi mula sa Lydia na bihasa sa pana.
10Ngunit mananalo ang Makapangyarihang Panginoon na Makapangyarihan sa digmaang ito. Maghihiganti siya sa mga kaaway niya sa araw na ito. Ang espada niyaʼy parang gutom na hayop na lalamon sa kanila at iinom ng dugo nila hanggang sa mabusog. Ang mga bangkay nilaʼy parang mga handog sa Makapangyarihang Panginoon na Makapangyarihan doon sa lupain sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.