16Paalisin ninyo sa Babilonia ang mga nagtatanim at nag-aani gamit ang karit. Iligtas ninyo ang mga bihag sa espada ng mga kaaway at patakasin ninyo sila at pauwiin sa sarili nilang lupain.
17“Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.”
18Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel: “Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar at ang Babilonia katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria.
19Ngunit pababalikin ko ang mga Israelita sa kanilang bansa. Magiging parang mga tupa silang nanginginain sa kabundukan ng Carmel at sa kapatagan ng Bashan, at sa kaburulan ng Efraim at Gilead, at silaʼy mabubusog.
20Sa mga araw na iyon,” sabi ng Panginoon “wala nang makikitang mga kasalanan at pagsuway sa mga natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda sapagkat patatawarin ko na sila.