29“Ipatawag ninyo ang mga tagapana upang sumalakay sa Babilonia! Palibutan ninyo upang walang makatakas. Paghigantihan ninyo siya sa kanyang ginawa; gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya sa iba sapagkat kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Diyos ng Israel.
30Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan ang mga kabataan niyang lalaki pati ang lahat ng kanyang kawal,” sabi ng Panginoon.
31“Ako, ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ay nagsasabing kalaban kita, Babiloniang mapagmataas! Dumating na ang araw na ikaw ay aking parurusahan.
32Ikaw na palalo ay mawawasak at walang tutulong sa iyo para ibangon ka. Susunugin ko ang iyong mga bayan at ang lahat ng nasa paligid nito.”
33Sinabi pa ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo: “Inaalipusta ang mga mamamayan ng Israel at ganoon din ang mga taga-Juda. Binihag sila at binantayang mabuti upang hindi sila makauwi sa bayan nila.