3“Lagi silang handang magsinungaling na parang pana na handa nang itudla. Kasinungalingan ang namamayani sa lupaing ito at hindi ang katotohanan. Malala na ang paggawa nila ng kasalanan at hindi nila ako kinikilala,” wika ng Panginoon.
4“Mag-ingat kayo sa kapwa ninyo at huwag kayong magtiwala sa mga kamag-anak nʼyo, sapagkat ang bawat isa ay mandaraya at naninira ng kapwa.
5Dinadaya ng bawat isa ang kapwa niya at wala ni isa ang nagsasalita ng katotohanan. Sanay na sa pagsisinungaling ang kanilang mga dila at pinapagod nila ang sarili nila sa paggawa ng kasalanan.
6Puro na lang pandaraya ang kanilang ginagawa, at dahil sa pandaraya ay ayaw na nila akong kilalanin,” sabi ng Panginoon.
7Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Dadalisayin ko sila na parang metal at susubukin ko sila. Ano pa ang maaari kong gawin sa kanila?