38Lumingon si Hesus at nakita silang nakasunod. Kaya tinanong niya sila, “May kailangan ba kayo?” Sumagot sila, “Rabbi, saan po kayo tumutuloy?” (Ang ibig sabihin ng Rabbi ay “Guro”.)
39Sinabi sa kanila ni Hesus, “Halikayoʼt makikita ninyo.” Kaya sumáma ang dalawa at nakita nila ang tinutuluyan niya. Bandang alas kuwatro na noon ng hapon, at doon sila nanatili hanggang gabi.
40Ang isa sa dalawang nakarinig ng sinabi ni Juan at sumunod kay Hesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.
41Hinanap kaagad niya ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesias” (na kung isasalin ay Kristo).
42Dinala niya si Simon kay Hesus. Tinitigan ni Hesus si Simon at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Mula ngayoʼy tatawagin ka nang Cefas” (na kung isasalin ay Pedro).