13Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Hesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay Batong Plataporma (na sa wikang Arameo ay Gabatha).
14Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Sinabi ni Pilato sa mga tao, “Narito ang hari ninyo!”
15Ngunit nagsigawan sila, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga namamahalang pari, “Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!”
16Kaya ibinigay ni Pilato sa kanila si Hesus upang ipako sa krus. Kaya dinala si Hesus ng mga sundalo
17palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Hesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na Lugar ng Bungo (na sa wikang Arameo ay Golgota).