41Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Hudyo dahil sinabi ni Hesus na siya ang tinapay na mula sa langit.
42Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Hesus iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang kanyang amaʼt ina?”
43Ngunit sinabi sa kanila ni Hesus, “Tama na ang pagbubulung-bulungan ninyo tungkol sa sinabi ko.
44Walang makakalapit sa akin maliban kung palalapitin sila ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw.
45Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin.