6“Magpakatatag kayo at tuparin nʼyong mabuti ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag nʼyo itong itakwil.
7Huwag kayong makikiisa sa mga bayan na natitira pa sa karatig ninyo, at huwag ninyong babanggitin ang mga pangalan ng mga diyos nila o kayaʼy sumumpa sa pangalan ng mga ito. Huwag kayong sasamba o kayaʼy maglilingkod sa kanila,
8kundi, maging tapat kayo sa Panginoon na inyong Diyos, gaya ng ginagawa nʼyo hanggang ngayon.
9“Itinaboy ng Panginoon ang malalaki at mga makapangyarihang bansa nang lusubin nʼyo sila at hanggang ngayon wala pang kahit isa na nakatalo sa inyo.
10Kahit sino sa inyo ay makakapagtaboy ng isang libong tao dahil ang Panginoon na inyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo, ayon sa ipinangako niya.