32Dahil tumakas ang mga Israelita, akala ng mga taga-Benjamin ay magtatagumpay silang muli laban sa mga Israelita. Hindi nila alam na nagpapahabol lang pala ang mga Israelita upang dalhin sila papalayo ng lungsod.
33Nang nakarating ang mga Israelita sa Baal-tamar, pumuwesto sila roon habang ang mga nag-aabang sa paligid ng Gibea ay nagsisilabasan.
34Sampung libo silang lahat na puro piling sundalo ng Israel. Nilusob nila ang Gibea, at matindi ang labanan. Hindi alam ng mga taga-Benjamin na malapit na ang katapusan nila.
35Pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita. At sa araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 taga-Benjamin na armadong lahat ng espada.
36At napansin ng mga taga-Benjamin na natatalo na sila. Tumakas ang malaking grupo ng mga sundalo ng Israel upang makalusob ang mga taong itinalaga nilang pumaligid sa bayan ng Gibea.