1Nagtira ang Panginoon ng ibang mga bansa sa Canaan upang subukin ang mga Israelita na hindi nakaranas makipaglaban sa Canaan.
2Ginawa ito ng Panginoon upang turuang makipaglaban ang mga lahi ng Israelita na hindi pa nakaranas nito.
3Ito ang mga itinira ng Panginoon: ang mga nakatira sa limang lungsod ng mga Filisteo, ang lahat ng Cananeo, ang mga taga-Sidon, at ang mga Heveo na nakatira sa mga bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Lebo-hamat.
4Ginawa ito ng Panginoon upang subukin ang mga Israelita kung tutuparin nila ang mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises.