10Ihahandog din ng pari ang isa panghandog bilang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at siyaʼy patatawarin.
11“ ‘Subalit kung wala siyang kakayahang mag-alay ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maaari siyang mag-alay ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina bilang handog para sa kasalanan. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis ng olibo at insenso dahil itoʼy handog para sa kasalanan.
12Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang tanda na iyon ay handog sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin ng pari sa altar pati ang iba pang mga pagkaing handog na inialay sa Panginoon. Ito ang handog para sa kasalanan.
13Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at siyaʼy patatawarin. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog na pagkaing butil.’ ”
14Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises: