11“ ‘Subalit kung wala siyang kakayahang mag-alay ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maaari siyang mag-alay ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina bilang handog para sa kasalanan. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis ng olibo at insenso dahil itoʼy handog para sa kasalanan.
12Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang tanda na iyon ay handog sa Panginoon. Ang isang dakot na iyon ay susunugin ng pari sa altar pati ang iba pang mga pagkaing handog na inialay sa Panginoon. Ito ang handog para sa kasalanan.
13Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at siyaʼy patatawarin. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog na pagkaing butil.’ ”
14Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:
15“Kapag ang isang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil nakalimutan niyang ibigay ang alin man sa mga bagay na nauukol sa Panginoon, kailangang mag-alay siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran ng kanyang pagkakasala. Maaari rin siyang magbayad ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa pamantayan ng Tabernakulo. Itoʼy handog bilang kabayaran ng pagkakasala.