29Maraming tao mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo ang darating at silaʼy makakasalo sa handaan sa kaharian ng Diyos.
30May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
31Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Hesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”
32Sumagot si Hesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamáng espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko.
33Bastaʼt kailangan kong ipagpatuloy ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang isang propeta sa labas ng Jerusalem.