2“Minahal ko kayo,” sabi ng Panginoon. “Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano mo kami minahal?’ “Alalahanin ninyong kahit magkapatid sina Esau at Jacob, minahal ko si Jacob
3ngunit si Esau ay kinapootan ko. Iniwan kong nakatiwangwang ang kanyang kabundukan, kaya naging ilang na tirahan ng mga maiilap na hayop.”
4Maaaring sabihin ng mga Edomitang lahi ni Esau, “Kahit na winasak ang aming bayan, itoʼy muli naming itatayo.” Subalit, ito ang sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Kahit na itayo nilang muli ang kanilang bayan, gigibain ko pa rin ito. Tatawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘mga mamamayang laging kinapopootan ng Panginoon.’
5Makikita ninyo ang kanilang pagkawasak at sasabihin ninyo, ‘Makapangyarihan ang Panginoon kahit sa labas ng Israel.’ ”
6Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang? “Nilalapastangan ninyo ako. “Ngunit nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’