4Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.
5Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”
6Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol.
7Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik ako sa inyo,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo. “Ngunit itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’
8“Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Diyos? Parang imposible. Subalit ninanakawan ninyo ako. “At itinatanong ninyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ “Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu at mga handog.