1Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon: “Tumindig kayo at ilahad ang inyong kaso; iparinig ninyo sa mga bundok at mga burol ang inyong reklamo.
2“At kayong mga bundok na matitibay na pundasyon ng mundo, pakinggan ninyo ang paratang ng Panginoon laban sa mga Israelita na kanyang mga mamamayan.
3“Mga mamamayan ko, ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo? Pinahirapan ko ba kayo? Sagutin ninyo ako.
4Inilabas ko kayo mula sa Ehipto at iniligtas kayo sa lupain ng pagkaalipin. At pinili ko sina Moises, Aaron at Miriam upang pangunahan kayo.
5Mga mamamayan ko, alalahanin din ninyong sinugo ni Haring Balak ng Moab si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. Ngunit pinagsalita ko si Balaam ng mga pagpapala sa inyo. Alalahanin ninyo ang inyong paglalakbay mula Shitim hanggang Gilgal kung saan ipinakita sa inyo ang aking katapatan. Alalahanin ninyo ang mga pangyayaring ito upang malaman ninyong iniligtas kayo ng Panginoon.”
6Sumagot ang isang Israelita, “Ano ang ihahandog ko sa Panginoon, ang Diyos sa langit, kapag sasamba ako sa kanya? Mag-aalay ba ako ng guya bilang handog na sinusunog?
7Matutuwa kaya ang Panginoon kung hahandugan ko siya ng libo-libong tupa at nag-uumapaw na langis? Ihahandog ko ba sa kanya ang panganay kong anak bilang kabayaran sa aking mga kasalanan?”
8Hindi! Sinabi na ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ano ang ninanais niya sa inyo? Gawin ang matuwid, pairalin ang pagkamaawain, at buong pagpapakumbabang sumunod sa Diyos.
9Pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon sa lungsod ng Jerusalem, dahil ang taong may takot sa kanya ang siyang may tunay na karunungan: “Kayong mga kabilang sa lahi ni Juda, magtipon-tipon kayo sa lungsod ng Jerusalem at makinig.
10Masasama kayong mamamayan! Hindi ko makakalimutan ang mga kayamanang natipon ninyo sa masamang paraan. Gumagamit kayo ng madayang takalan. Itoʼy gawaing aking kinasusuklaman.
11Hindi maaaring pabayaan ko na lang kayo sa mga pandaraya ninyo sa inyong timbangan.
12Malulupit ang mayayaman sa inyo, at mga sinungaling kayo.
13Kaya sinimulan kong lipulin kayo bilang parusa sa inyong mga kasalanan.
14Kakain kayo, ngunit hindi kayo mabubusog; mananatili kayong gutom. Mag-iimpok kayo, ngunit walang maiiwan, sapagkat masisira lamang ito sa digmaan.
15Magtatanim kayo, ngunit hindi ninyo maaani. Magpipisa kayo ng mga olibo ngunit hindi ninyo mapapakinabangan ang langis nito. Magpipisa kayo ng mga ubas, ngunit hindi ninyo maiinom ang katas nito.
16Mangyayari ito sa inyo dahil sinunod ninyo ang masasamang gawa, mga tuntunin, at mga payo ni Haring Omri at ng anak niyang si Haring Ahab. Kaya wawasakin ko kayo; hahamakin kayo at lalaitin ng ibang mga bansa.”