32“Nangako pa kami na tutuparin namin ang utos na magbibigay kami bawat taon ng apat na gramong pilak para sa gawain sa bahay ng aming Diyos.
33Nakalaan ito para sa tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos, sa mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na inihahandog araw-araw, sa mga handog para sa Araw ng Pamamahinga, para sa Pista ng Bagong Buwan, at sa iba pang mga pista; maging sa iba pang mga banal na handog tulad ng handog para sa kasalanan na inihahandog upang matubos ang mga mamamayan ng Israel sa kanilang mga kasalanan. Ginagamit din ang pilak na ito sa iba pang mga pangangailangan sa Templo ng aming Diyos.
34“Nagpalabunutan kaming lahat, pati ang mga pari namin at mga Levita, upang malaman kung kailan magdadala ng panggatong ang bawat pamilya bawat taon upang gamitin sa mga handog sa altar ng Panginoon na aming Diyos, ayon sa nasusulat sa Kautusan.
35“Nangako rin kami na dadalhin namin bawat taon sa bahay ng Panginoon ang unang ani ng aming bukirin at ang unang bunga ng aming mga tanim.
36“Dadalhin din namin sa mga pari na naglilingkod sa Templo ng aming Diyos ang aming panganay na anak na lalaki, pati ang unang anak ng aming mga baka, tupa, at kambing, ayon sa nasusulat sa Kautusan.