34“Nagpalabunutan kaming lahat, pati ang mga pari namin at mga Levita, upang malaman kung kailan magdadala ng panggatong ang bawat pamilya bawat taon upang gamitin sa mga handog sa altar ng Panginoon na aming Diyos, ayon sa nasusulat sa Kautusan.
35“Nangako rin kami na dadalhin namin bawat taon sa bahay ng Panginoon ang unang ani ng aming bukirin at ang unang bunga ng aming mga tanim.
36“Dadalhin din namin sa mga pari na naglilingkod sa Templo ng aming Diyos ang aming panganay na anak na lalaki, pati ang unang anak ng aming mga baka, tupa, at kambing, ayon sa nasusulat sa Kautusan.
37“Nangako pa kami na dadalhin namin sa mga pari ang pinakamagandang klase ng aming harina at ang iba pang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, upang ilagay sa bodega ng Templo ng Diyos. Dadalhin din namin ang pinakamabuti naming mga prutas, at ang bagong alak at langis ng olibo. Dadalhin din namin sa mga Levita ang ikapu ng aming mga ani dahil sila ang nangongolekta ng mga ikapu sa lahat ng bayang may mga sakahan.
38Kapag mangongolekta ng ikapu ang mga Levita, sinasamahan sila ng mga pari mula sa angkan ni Aaron. At ang ikapu ng nakolekta ay dadalhin ng mga Levita sa bodega ng bahay ng aming Diyos.