6Ang nagtayo ng Lumang Pintuan ay si Joiada na anak ni Pasea at si Mesulam na anak ni Besodeias. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.
7Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay sina Melatias na taga-Gibeon, Jadon na taga-Meronot at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa. Ang mga lugar na ito ay sakop ng gobernador ng probinsya sa kanluran ng Ilog Eufrates.
8Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Uziel na platero, na anak ni Harhaia. Ang sumunod naman sa kanya ay si Hananias na manggagawa ng pabango. Itinayo nila ang bahaging ito ng pader ng Jerusalem hanggang sa Malawak na Pader.
9Ang sumunod na nagtayo sa kanila ay ang anak ni Hur na si Refaias, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.
10Ang sumunod sa kanya ay si Jedaias na anak ni Harumaf. Itinayo niya ang bahagi ng pader malapit sa kanyang bahay. Ang sumunod sa kanya ay si Hatus na anak ni Hasabneias.