5At sinabi ng mga Levitang sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon na inyong Diyos na walang hanggan!” Pagkatapos ay nanalangin sila: “O Panginoon, kapuri-puri po ang inyong dakilang pangalan! Hindi ito mapapantayan ng anumang pagpapala at pagpupuri.
6Ikaw lang po ang Panginoon. Ginawa nʼyo ang langit, ang lupa, ang dagat, at ang lahat ng mga naroroon. Binigyan nʼyo po ng buhay ang lahat ng inyong nilikha, at sinasamba kayo ng mga anghel sa langit.
7“Kayo ang Panginoong Diyos na pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur na sakop ng mga Caldeo. At pinangalanan nʼyo siyang Abraham.
8Nakita nʼyong tapat siya sa inyo, at gumawa kayo ng kasunduan sa kanya na ibibigay nʼyo sa mga lahi niya ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at ng mga Gergeseo. At tinupad po ninyo ang pangako nʼyo, dahil matuwid kayo.
9“Nakita nʼyo po ang pagtitiis ng aming mga ninuno sa Ehipto. Narinig nʼyo ang paghingi nila ng tulong sa inyo noong naroon sila sa Dagat na Pula.