11“Ang iba pang mga handog ng mga Israelita na itinataas sa altar ay para rin sa inyo. Ibinibigay ko ito sa iyo at sa iyong mga angkan, bilang inyong bahagi magpakailanman. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.
12“Ibinibigay ko rin sa inyo ang mabubuting produkto na inihahandog ng mga Israelita mula sa una nilang ani: langis ng olibo, bagong alak at trigo.
13Magiging inyo ang lahat ng mga produkto na kanilang inihahandog mula sa unang ani ng kanilang lupa. Makakakain nito ang sinuman sa iyong pamilya na itinuturing na malinis.
14“Ang lahat ng bagay sa Israel na ibinigay sa akin nang buo ay magiging inyo.
15Ang lahat ng panganay na lalaki, tao man o hayop na inihahandog sa Panginoon ay magiging inyo rin. Ngunit kailangang tubusin ninyo ang mga panganay na anak na lalaki at ang mga panganay na mga hayop na itinuturing na marumi.