18Ngunit sumagot si Balaam sa kanila, “Kahit na ibigay pa ni Balak sa akin ang palasyo niyang puno ng pilak at ginto, hindi ko magagawang suwayin ang utos ng Panginoon na aking Diyos, kahit na sa malaki o maliit lang na bagay.
19Kaya dito na lang muna kayo matulog ngayong gabi katulad ng ginawa ng iba ninyong mga kasama dahil baka may iba pang sabihin ang Panginoon sa akin.”
20Noong gabing iyon, sinabi ng Diyos kay Balaam, “Pumunta rito ang mga taong ito para tawagin ka, sumáma ka na lang sa kanila, ngunit ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang gawin mo.”
21Kaya kinaumagahan, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumáma sa mga pinuno ng Moab
22kasama ang kanyang dalawang katulong. Ngunit habang naglalakbay si Balaam, nagalit ang Panginoon, kaya hinarang siya ng anghel ng Panginoon sa daan.