8Ito rin ang gagawin ninyo sa ikalawang tupang ihahandog ninyo sa dapit-hapon. Samahan din ninyo ito ng isang handog na pagkaing butil para sa Panginoon at handog na inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon.
9“ ‘Sa araw ng Pamamahinga, maghandog kayo ng dalawang tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na inumin at ang handog na pagkaing butil para sa Panginoon na apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis.
10Ito ang handog na sinusunog tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod pa sa pang-araw-araw na handog kasama ang handog na inumin.
11“ ‘Sa bawat unang araw ng buwan, maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon. Ang inyong handog ay dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang lalaking tupa na isang taóng gulang. Kailangan na walang kapintasan ang lahat ng mga ito.
12Ang bawat toro ay sasamahan ng handog na pagkaing butil para sa Panginoon na mga tatlong kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis, bawat isang lalaking tupa ay sasamahan din ng handog na may mga dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang pagpaparangal sa Panginoon.