1Pagkatapos, lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na may sisidlan at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang kaparusahan para sa sikat na babaeng bayaran. Ang babaeng ito ay ang malaking lungsod na matatagpuang malapit sa katubigan.
2Nakiapid sa kanya ang mga hari sa mundo, at ang mga tao naman sa mundo ay parang nalasing sa alak ng kanyang kahalayan.”
3Pagkatapos, napuspos ako ng Espiritu at dinala ako ng anghel sa ilang. Nakita ko roon ang isang babaeng nakasakay sa pulang halimaw. Ang halimaw na iyon ay may pitong ulo at sampung sungay. At ang kanyang buong katawan ay puno ng nakasulat na mga pangalang lumalapastangan sa Diyos.
4Kulay ube at pula ang damit ng babae, at may mga alahas siyang ginto, mamahaling bato, at perlas. May hawak siyang gintong tasa na puno ng kasamaan at karumihan niya dahil sa kanyang seksuwal na imoralidad.