11Pagkatapos, nakita kong nabuksan ang langit, at may puting kabayo na nakatayo roon. Ang nakasakay ay tinatawag na Tapat at Totoo. Sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma.
12Parang nagniningas na apoy ang kanyang mga mata at maraming korona ang nasa ulo niya. May nakasulat na pangalan sa kanya, na siya lang ang nakakaalam kung ano ang kahulugan.
13Ang suot niyang damit ay inilubog sa dugo. At ang tawag sa kanya ay Salita ng Diyos.
14Sinusundan siya ng mga sundalo mula sa langit. Nakasakay din sila sa mga puting kabayo, at ang mga damit nila ay gawa sa pinong lino, puting-puti at malinis.
15Mula sa bibig niya ay lumalabas ang matalas na espada na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. “At pamamahalaan niya sila sa pamamagitan ng kamay na bakal.” Ipapakita niya sa kanila ang matinding galit ng Diyos na makapangyarihan sa lahat.