7Ang mensaheng iyon ng Panginoon laban kay Baasa at sa pamilya niya ay sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani. Sinabi iyon ng Panginoon dahil sa lahat ng masasamang ginawa nito sa paningin ng Panginoon. Ginalit niya ang Panginoon dahil sa mga ginawa niya na katulad ng ginawa ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa kanyang pagpatay sa buong pamilya ni Jeroboam.
8Noong ikadalawampuʼt anim na taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Elah na anak ni Baasa. Sa Tirza siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawang taon.
9Si Zimri, na isa sa mga opisyal niya at kumander ng kalahati ng kanyang mga mangangarwahe ay nagbalak ng masama laban sa kanya. Isang araw, naglasing si Elah sa Tirza, sa bahay ni Arsa na siyang tagapamahala ng palasyo roon.
10Pumasok si Zimri sa bahay at pinatay niya si Ela. Nangyari ito noong ikadalawampuʼt pitong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Zimri ang pumalit kay Elah bilang hari.
11Pagkaupo ni Zimri bilang hari, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Baasa. Wala siyang itinirang lalaki, kahit sa mga kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa.