33Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Buhusan ninyo ng apat na tapayang tubig ang handog at panggatong.”
34Matapos nilang gawin ito, sinabi ni Elias, “Buhusan ninyo ulit.” Pagkatapos nilang buhusan, sinabi ulit ni Elias, “Buhusan pa ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Sinunod nila ang sinabi ni Elias,
35at umagos ang tubig sa paligid ng altar, at napuno ang kanal.
36Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “Panginoon, Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Diyos ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo.
37Panginoon, dinggin nʼyo po ako, upang malaman ng mga tao na kayo Panginoon, ang Diyos, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.”