12“Kung tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, tutuparin ko rin sa pamamagitan mo ang ipinangako ko kay David na iyong ama.
13Maninirahan ako kasama ng mga Israelita sa Templong ito na iyong ipinatayo at hindi ko sila pababayaan.”
14Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng Templo.
15Ang dingding sa loob ng Templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay tablang sipres.
16Nagpagawa si Solomon ng dalawang kuwarto sa loob ng Templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kuwarto sa pinakaloob ng Templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan.