14Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng Templo.
15Ang dingding sa loob ng Templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay tablang sipres.
16Nagpagawa si Solomon ng dalawang kuwarto sa loob ng Templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kuwarto sa pinakaloob ng Templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan.
17Ang haba naman ng kuwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan.
18Ang buong dingding sa loob ng Templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga iniukit din ditong mga bulaklak at mga halamang gumagapang.