7Nang makita ng mga taga-Asdod ang nangyari, sinabi nila, “Hindi dapat manatili sa atin ang Kahon ng Diyos ng Israel dahil pinarurusahan niya tayo at si Dagon na ating diyos.”
8Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at nagtanong, “Ano ang gagawin natin sa Kahon ng Diyos ng Israel?” Sumagot sila, “Dalhin ito sa Gat.” Kaya dinala nila ang Kahon ng Diyos ng Israel sa Gat.
9Ngunit nang dumating ito roon, pinarusahan din ng Panginoon ang mga tao sa lungsod na iyon. Labis na nagkagulo ang buong bayan dahil binigyan din sila ng Panginoon ng mga bukol, bata man o matanda.
10Dahil doon, ipinadala nila ang Kahon ng Diyos sa Ekron. Habang parating pa lang sila roon, nagrereklamo na ang mga mamamayan ng Ekron. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kahon ng Diyos ng Israel para patayin din tayong lahat.”
11Kaya ipinatawag nila ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo at sinabi, “Ilayo ninyo rito ang Kahon ng Diyos ng Israel at ibalik ito sa kanyang lugar dahil kung hindi, mamamatay kaming lahat.” Ito ang sinabi nila dahil nagsimula na ang matinding parusa ng Diyos sa kanilang lungsod. Nagkagulo ang lahat sa takot dahil marami na ang namatay.