13At nakita niya roon ang bagong koronang hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng Templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga taga-trumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Diyos, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
14Inutusan ni Joiada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng Templo ng Panginoon.”
15Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
16Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Joiada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon.
17Pumunta agad ang lahat ng tao sa Templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga diyos-diyosan, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.