22Kinalimutan ni Haring Joas ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Joiada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy makita ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”
23Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damasco ang lahat ng kanilang nasamsam.
24Kakaunti lang ang mga sundalo ng Aram na lumusob kung ihahambing sa mga sundalo ng Juda. Ngunit ipinatalo sa kanila ng Panginoon ang Juda, dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Kaya dumating ang parusang ito kay Joas.
25Pag-alis ng mga taga-Aram, naiwang malubhang sugatan si Joas. Ngunit nagplano ang kanyang mga opisyal na patayin siya dahil sa pagpatay niya sa anak ni Joiada na pari. Kaya pinatay nila siya sa kanyang higaan. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
26Ang mga pumatay sa kanya ay sina Sabad na anak ng isang babaeng Amonita na si Simeat, at si Jehosabad na anak ng isang babaeng Moabita na si Simrit.