14Alin sa mga diyos ng mga bansang ito ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga ninuno? Makakapagligtas ba sa inyo ang inyong diyos mula sa aking mga kamay?
15Huwag kayong magpaloko kay Ezequias. Huwag kayong makinig sa kanya, dahil walang diyos sa kahit saan mang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay o sa kamay ng aking mga ninuno. At lalung-lalo na ang inyong diyos!’ ”
16May idinagdag pang masamang mga salita ang mga opisyal ni Senaquerib laban sa Panginoong Diyos at sa kanyang lingkod na si Ezequias.
17Nagpadala pa si Haring Senaquerib ng mga sulat upang insultuhin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel. Ito ang sulat niya: “Ang mga diyos ng ibang mga bansa ay hindi nailigtas ang kanilang mga mamamayan mula sa aking kamay. Kaya ang diyos ni Ezequias ay hindi rin maililigtas ang kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay.”
18Sinabi ito nang malakas ng mga opisyal ni Senaquerib sa wikang Hebreo upang takutin ang mga mamamayan ng Jerusalem na nagtitipon noon sa may pader. At kapag natakot na ang mga tao, madali na nilang masasakop ang lungsod.