18Noong buháy pa si Absalom, nagpatayo siya ng monumento para sa sarili niya sa Lambak ng Hari, dahil wala siyang anak na lalaki na magdadala ng pangalan niya. Tinawag niya itong “Monumento ni Absalom,” at hanggang ngayon, ito pa rin ang tawag dito.
19Sinabi ng anak ni Sadoc na si Ahimaaz, kay Joab, “Payagan mo akong pumunta sa hari para ibalita sa kanya na iniligtas siya ng Panginoon sa mga kalaban niya.”
20Sinabi ni Joab, “Hindi ka magbabalita sa hari sa araw na ito. Puwede sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang anak ng hari.”
21Sinabi ni Joab sa isang taong galing sa Etiopia, “Puntahan mo si Haring David at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod muna ito kay Joab bago patakbong umalis.
22Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, ipahintulot nʼyo po sanang sumunod ako sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Bakit mo naman ito gustong gawin, anak? Wala ka namang maibabalita na magdudulot ng gantimpala saʼyo.”