15Sa halip, magpapadala sa inyo ang Panginoon na inyong Diyos ng isang propeta na mula sa inyo at kadugo ninyo tulad ko. At kailangang makinig kayo sa kanya.
16Sapagkat ito ang hinihingi ninyo sa Panginoon na inyong Diyos nang magtipon kayo roon sa Horeb. Sinabi ninyo sa Panginoon, “Huwag nʼyong iparinig sa amin ang boses nʼyo o ipakita ang naglalagablab na apoy dahil baka mamatay kami.”
17Kaya sinabi ng Panginoon sa akin, “Mabuti ang kanilang hinihingi.
18Magpapadala ako sa kanila ng isang propeta na mula sa kanila at kadugo nila tulad mo. Ipasasabi ko sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanila.
19Parurusahan ko ang sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi ng propeta na ito sa pamamagitan ng aking pangalan.