10(Noong una, naninirahan sa Ar ang marami at malalakas na tao na tinatawag na Emita. Silaʼy matatangkad katulad ng mga lahi ni Anak.
11Tinatawag din silang Refaim katulad ng mga lahi ni Anak, ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita.
12Sa Seir dati nakatira ang mga Horeo, ngunit pinalayas sila ng mga lahi ni Esau, at sila na ang nanirahan doon, katulad ng ginawa ng mga Israelita sa mga Cananeo sa lupaing ibinigay ng Panginoon bilang ari-arian nila.)
13Pagkatapos, iniutos ng Panginoon, “Humayo kayo at tumawid sa lambak ng Zered.” Kaya tinawid natin ang Lambak ng Zered.
14Itoʼy pagkalipas ng tatlumpuʼt walong taon mula noong umalis tayo sa Kades-barnea at makatawid sa Lambak ng Zered. Nang mga panahong iyon, namatay na ang mga sundalong Israelita sa henerasyong iyon, ayon sa isinumpa ng Panginoon sa kanila.