25Kaya payagan po ninyo akong makatawid para makita ko ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang magagandang kaburulan at ang mga kabundukan ng Lebanon.”
26Ngunit nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at hindi niya ako pinakinggan. Sinabi niya, “Tama na iyan! Huwag mo na akong kausapin tungkol sa mga bagay na iyan.
27Umakyat ka sa tuktok ng Bundok ng Pisga at tanawin mo ang lupain sa ibaʼt ibang direksiyon. Pagmasdan mo ito nang mabuti dahil hindi ka na makakatawid sa Ilog Jordan.
28Ngunit turuan mo si Josue sa kanyang gagawin. Palakasin mo ang loob niya dahil siya ang mamumuno sa mga tao sa pagtawid sa Jordan. Ibibigay niya sa kanila bilang mana ang lupaing makikita mo.”
29Kaya nanatili tayo sa lambak malapit sa Bet-peor.