11Binantayan niya sila gaya ng pagbabantay ng agila sa kanyang mga inakay habang tinuturuan niya itong lumipad. Ibinubuka niya ang kanyang mga pakpak para saluhin at buhatin sila.
12Ang Panginoon lamang ang gumagabay sa kanyang mga mamamayan, walang tulong mula sa ibang mga diyos.
13Sila ang pinamahala niya sa mga kabundukan, at pinakain ng mga ani ng lupa. Inalagaan niya sila sa pamamagitan ng pulot mula sa batuhan at ng langis ng olibo mula sa mabatong lupa.
14Binigyan niya sila ng keso at gatas ng mga baka at kambing, at binigyan ng matatabang tupa at kambing mula sa Bashan. Binigyan din niya sila ng pinakamainam na trigo at pinainom ng alak.
15Naging maunlad ang mga Israelita subalit nagrebelde sila. Tumaba sila at lumakas, ngunit tinalikuran nila ang Diyos na lumikha sa kanila, at sinuway nila ang Batong kanlungan na kanilang Tagapagligtas.