1Kaya, kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga utos at tuntuning ituturo ko sa inyo. Sundin ninyo ito upang mabuhay kayo at makapasok at maangkin ang lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno.
2Huwag ninyong dadagdagan o babawasan ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, mula sa Panginoon na inyong Diyos. Dapat ninyo itong sundin.
3Nakita ninyo ang ginawa ng Panginoon sa Baal Peor. Pinuksa ng Panginoon na inyong Diyos ang mga kapwa ninyo Israelita na sumamba kay Baal.
4Ngunit kayong matatapat sa Panginoon na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon.
5Itinuturo ko sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay sa akin ng Panginoon na aking Diyos para inyong sundin pagdating ninyo sa lupaing sasakupin ninyo at titirhan.